Hello
Hinihintay ko siyang dumating. Kinakabahan talaga ako ngayon. Unang beses kong gagawin ito. Ibinalik ko ang puti kong panyo sa bulsa matapos kong punasan ang pasmado kong mga palad. Napangiti ako dahil sa puti din ang suot kong damit, pantalon at sapatos ngayon. Gusto ko ng malinis na simula.
Naisip kong umupo na at abangan ang pagdating niya. Hindi ko pa siya ganoon kakilala. Pero kaya nga ako naglakas ng loob na gawin ‘to diba? Gusto ko siyang makilala pa.
Malalaman ko kung hanggang saan makakarating ang mga kwento niyang pinakikinggan ko lang dati sa telepono. Nahihiya ako sa tuwing natatagpuan ko na lang ang sarili kong walang masabi. Kung may mga taong nakarinig na ng boses ng mga anghel, sasabihin din nilang sa anghel ko ang pinakamaganda.
Natatanaw ko na siya sa malayo. Hindi na ako mapakali. Maski ang liwanag ng ilaw at malumanay na tugtog ng biyolin ay hindi nakabagal sa bilis ng tibok ng puso ko. Pero kailangan kong kumalma. Ngayon, pagkakataon ko ng makita ang kanto’t sulok ng kanyang mukha. Mamaya, iguguhit ko na siya sa aking isip, kukulayan sa aking panaginip.
Nginitian ko siya. Ibinalik niya rin iyon sa akin. Muli kong pinunasan ang aking palad, ang palad na kanyang hahawakan hanggang sa aming pagtanda. Ininom ko ang tubig sa aming lamesa at binanggit na ang unang salitang naguumpisa sa bawat kwento ng pagibig.